TALISAY, Batangas (PIA) — Tulong at mensahe ng pagbangon ang inihatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa mga bayan ng Talisay at Laurel sa Batangas nitong Lunes, ika-4 ng Nobyembre para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ng Pangulo ang Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families gayundin ang housing materials na donasyon ng Metrobank Foundation.
Para sa 89-taong gulang na si Lucina Mendoza Hernandez, malaking tulong ang home materials and essentials (HOME) ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at iba pang tulong na ibinigay ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang muling maipagawa ang kanilang nasirang tahanan.
Para naman kay Jomie Lee Timbas, malaking tulong ang PAFFF at housing materials na ipinamahagi ni Pangulong Marcos para sa tulad niyang lubos na naapektuhan ng trahedya.
“Nagpapasalamat po ako sa lokal na pamahalaan, sa national government, kay Mayor Natanauan, kay President Bongbong Marcos at sa lahat po ng nasasakupan ng gobyerno sa kanilang pagmamalasakit, pagdamay, pagmamahal, at pagtulong po bayan ng Talisay lalo’t higit na po sa aming mga nasalanta at namatayan ng kamag-anak at mahal sa buhay,” ani Jomie.
Hindi naman mapigilang maging emosyonal at maluha ni Delia Caguitla nang magpasalamat ito kay Pangulong Marcos para sa mga housing materials na kanyang natanggap.
“Maraming salamat po sa inyo, sa lahat ng tulong na ibinigay sa akin ni Pangulong Marcos. Maraming salamat po sa ibinigay nila sa akin para makabuo ulit kami ng bahay. Nadala po lahat ang aking bahay at ang aking mga gamit,” pahayag ni Nanay Delia.
Ilan lamang sina Jomie at Nanay Delia sa daan-daang mga residente na matinding naapektuhan ng bagyong kristine.
Ayon sa DHSUD, tinatayang nasa mahigit 550 pamilya ang nawasak ng tirahan dulot ng bagyong Kristine
Nagpaabot din ng pasasalamat si Talisay Mayor Nestor Natanauan kay Pangulong Marcos at sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa agarang pagtugon ng mga ito matapos ang bagyong Kristine.
“Gusto kong ipaabot sa ating pangulo na marami pong salamat sa immediate na tulong na ipinadala. Gayundin sa Department of Public Works and Highways na kaagad ay rumesponde sa kasagsagan ng bagyo at sa mga kapulisan na akala natin ay patulog-tulog lamang pero gabi pa lamang sila ay nagre-rescue,” pahayag ng alkalde.
Nangako naman si Pangulong Marcos ng tuloy-tuloy na tulong para sa mga naapektuhan ng bagyo.
Bukod sa pamamahagi ng iba’t ibang tulong, personal ding ininspeksyon ng pangulo ang mga lugar na lubhang napinsala ng bagyong Kristine.
Pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang Day of National Mourning sa ground zero sa Barangay Sampaloc sa Talisay kung saan naganap ang landslide na kumitil ng 14 na buhay.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, tiwala at malaki ang pag-asa ng mga residente ng Talisay at Laurel na agad silang makakabangon mula sa hagupit ng bagyong Kristine. (Bhaby De Castro, PIA Batangas)