LUNGSOD NG BATANGAS — Nananatiling nakaalerto at handa ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon kasunod ng minor phreatomagmatic eruption ng Bulkang Taal noong Lunes ng gabi, Enero 6, 2025.

Sa mensahe ni RDRRMC Chairperson at Office of Civil Defense (OCD) IV-A Regional Director Carlos Eduardo Alvarez III, pinaalalahanan niya ang mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Bulkang Taal na paigtingin ang kanilang kahandaan kaugnay ng patuloy na aktibidad ng bulkan.

Ayon kay Alvarez, dapat maging alerto ang mga komunidad sa paligid nito at isaayos ang mga kaukulang contingency plans bilang paghahanda na rin sa ibang panganib na dulot ng aktibidad ng Bulkang Taal.

Isang minor phreatomagmatic eruption ang naganap sa main crater ng Bulkang Taal bandang 7:34 ng gabi noong Enero 6, 2025. Nagdulot ito ng 600-metrong taas ng plume na may kasamang volcanic tremor na tumagal nang tatlong minuto, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Bago ang naturang pagputok, iniulat ng Phivolcs ang pagtaas ng real-time seismic energy measurement (RSAM) ng Bulkang Taal simula noong Enero 4, 2025. Labindalawang volcanic earthquakes, kabilang ang anim na tremors, ang naitala rin ng ahensiya mula Enero 1, 2025.

Naobserbahan din ang kawalan ng degassing at plume kasabay ng pagtaas ng RSAM, indikasyon ng pagbara ng mga daanan ng volcanic gas sa loob ng bulkan na maaaring mag-trigger ng phreatic o minor phreatomagmatic eruption.

Ayon sa Phivolcs, bagama’t nagkaroon ng minor eruption, walang indikasyon upang itaas ang alert status ng Bulkang Taal, na nananatili pa rin sa Alert Level 1.

Bilang bahagi ng kahandaan, ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) IV-A na may nakaantabay itong 180,000 relief items.

Samantala, nasa ilalim ng ‘code white’ ang Department of Health (DOH) Calabarzon at nakahanda ang kanilang ahensya para sa anumang health-related incidents kaugnay ng aktibidad ng Bulkang Taal.

Nakahanda rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) IV-A na mag-deploy ng mga interconnectivity support at communications box kung kinakailangan.

Sa sektor ng edukasyon, ipinaalala ng Department of Education (DepEd) ang DepEd Order No. 22 na naglalaman ng direktiba ukol sa pagkakansela ng klase at trabaho sa mga paaralan sa panahon ng kalamidad at emergencies. Ayon dito, nasa desisyon ng mga local chief executives, sa pakikipag-ugnayan sa kanilang Schools Division Supervisors, ang pagsuspinde ng face-to-face classes.

Samantala, ipinahayag ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na may anim na mobile kitchen ang lalawigan, pati na rin isang mobile clinic na maaaring gamitin sakaling magkaroon ng kalamidad. (BPDC, PIA BATANGAS)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *