CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Walang dapat ikabahala ang publiko, partikular ang mga residente sa paligid ng Bulkang Taal, matapos ang naitalang phreatomagmatic eruption ngayong araw, Disyembre 3, ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon.
Sinabi ni Office of Civil Defense Regional Director at RDRRMC Calabarzon Chairperson Carlos Alvarez na normal lamang para sa Bulkang Taal, na kasalukuyang nasa Alert Level 1, ang makaranas ng ganitong uri ng aktibidad.
“I want to assure the general public na huwag kayong mag-worry dahil normal po ito sa isang Level 1 volcano na nagre-react po ng ganyan,” ani Alvarez.
Tiniyak din niya na nakahanda ang mga local DRRMCs at iba pang ahensya ng gobyerno na tumugon sakaling tumaas pa ang aktibidad ng bulkan.
“Ang Office of Civil Defense at RDRRMC Calabarzon ay nakatutok sa lahat ng nangyayari sa ating rehiyon, especially sa Taal Volcano, and rest assured that we will have a quick response in case of anything,” dagdag ni Alvarez.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang phreatomagmatic eruption sa Bulkang Taal bandang 5:58 kaninang umaga.
Aabot sa 2,800 metro ang plume na ibinuga nito na napadpad sa kanluran-timog-kanluran habang naitala rin ang ash fall sa Poblacion, Agoncillo at Buso-Buso, Laurel, Batangas.
Bagama’t nagkaroon ng bahagyang pagputok, nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, ayon sa Phivolcs.
Sa ulat ni Ma. Antonia Bornas ng Phivolcs sa pagpupulong ng RDRRMC Calabarzon ngayong araw, sinabi niyang tumaas ang pagbuga ng volcanic gas ng bulkan noong Nobyembre. Aabot sa 7,216 tonelada kada araw ng sulfur dioxide (SO2) ang ibinuga ng bulkan noong Nobyembre 30, na mas mataas kumpara sa buwanang average na 5,283 tonelada/araw.
Naitala rin ang localized ground deformations sa Taal Volcano, ngunit ayon sa Phivolcs, senyales ito na maliit ang posibilidad na magkaroon sa isang malaking magmatic eruption ang Bulkang Taal.
Dagdag pa ni Bornas, kung magpatuloy o lumala ang phreatomagmatic activity sa Bulkang Taal ay maaaring itaas ang alerto sa Alert Level 2.
Sa kasalukuyan, mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI).
Pinaalalahanan din ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Bulkang Taal na maging handa at magsagawa ng mga kaukulang hakbang upang maprotektahan ang mga residente laban sa panganib dulot ng aktibidad ng bulkan, kabilang na ang posibleng epekto ng mataas na konsentrasyon ng volcanic SO2 sa kalusugan. (PIA-4A)