BATANGAS CITY (PIA) — Binigyang pagkilala ng Department of Education (DepEd) Batangas City ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month kamakailan.
Ayon sa DepEd City, ang pagdiriwang ay pagkilala sa napakahalagang papel na ginagampanan ng mga guro upang hubugin aang karakter at magbigay ng kaalaman sa mga mag-aaral.
Sa mensahe ni Mayor Beverley Dimacuha, hinamon nito ang mga pampublikong guro na hubugin ang mga Batangueñong mag-aaral bilang mababait, masunurin at responsableng mamamayan bukod sa pagtuturo sa mga ito upang maging matalino at produktibong indibidwal.
“Bilang mga guro, kayo ang dapat magsilbing halimbawa sa mga kabataan upang kanilang tularan at ipagmalaki,” ani Dimacuha.
Ayon kay 5th District Rep. Marvey Marino, dapat turuan ang mga mag-aaral na maging “punctual” o maaga at dapat magsilbing inspirasyon ang mga guro upang mas lalong magpursigi na matuto ang mga mag-aaral upang mas mapaunlad ang kanilang sarili.
Makatutulong din aniya ito sa pagkamit ng kanilang mga pangarap na hinahangad at magandang kinabukasan para sa sarili at pamilya. (BPDC, PIA BATANGAS)