BATANGAS CITY (PIA) — Inaprubahan ng Batangas Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) kamakailan ang isang resolusyon na nagsusulong na mabawasan ang teenage pregnancy sa lalawigan ng Batangas.

Layon ng BPCPC Resolution No. 2 na sinang-ayunan ni Governor Hermilando “DoDo” Mandanas na palakasin ang pagpapalaganap ng mga angkop na impormasyon sa mga kabataan para mapababa ang kaso ng teenage pregnancy sa lalawigan.

Ayon kay Mandanas, ang kalusugan ang kaunahang bahagi ng kanyang governance agenda kaya marapat lamang na ito ay tutukan upang mabigyan ng maayos na kalusugan ang mga kabataan sa lalawigan.

Kabilang sa mga natukoy na mangunguna sa pagpapalaganap ng kampanya ang Batangas Provincial Department of Health Office (PDOHO), Provincial Health Office (PHO), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Information Office(PIO) at SHARE Inc. na siyang kinatawan mula sa non-government organizations (NGO).

Sa datos ng Commission on Population, nasa 4,318 ang kaso ng teenage pregnancy sa probinsya ng Batangas noong 2020. Batay sa tala, ang mga Lungsod ng Batangas, Sto. Tomas at Lipa at bayan ng Nasugbu at San Jose ang may pinakamataas na bilang ng teenage pregnancy.

Ayon sa pagsasaliksik ng UP Population Institute, karamihan sa mga batang Pilipino ay limitado ang kaalaman ukol sa sex education at adolescent sexual reproductive health, lalo na sa mga teenagers at mga hindi pa kasal.

Bukod dito, inaprubahan din ng BPCPC ang isa pang resolusyon nanghihikayat naman sa mga lokal na pamahalaan na magbigay ng kaukulang “counselling” at “therapy” para sa mga kabataan at kababaihan.

Tinanggap din ng konseho ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, at Department of Education – Batangas Schools Division bilang mga karagdagang miyembro nito. (BPDC, PIA BATANGAS)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *