CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Iba’t ibang aktibidad na layong hikayatin ang publiko na kumain ng wasto at masustansiyang pagkain sa murang halaga ang inilatag ng pamahalaang lungsod ng Calamba para sa pagdiriwang ng ika-46 Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo.
Sa programang Sulong Calabarzon, binigyang diin ni Calamba City Nutrition Officer Aleli Jimenez na ang pagsunod sa healthy diet ay hindi kinakailangang gumastos ng mahal sapagkat maraming mabisang paraan upang maging malusog at malakas ang ating pangangatawan.
“Ang healthy diet ito yung pagkain na kung saan nandun yung tatlong grupo ng pagkain na napakahalaga ito po yung go, grow, glow kung makikita po ninyo dapat yung pinggang pinoy natin kung inyong alam dapat yun po yung pinakalaman ng inyong pinggan dapat may go, grow, glow kase wala pong isang uri ng pagkain ang magbibigay ng sustansya sa ating katawan.”
Sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin ay hinimok ni Jimenez ang mga Calambeño na magtanim sa kani-kanilang mga bakuran upang magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ng pagkain.
Aniya, maaaring makipag-ugnayan at lumapit sa tanggapan ng City Agriculture Office upang mabigyan ng libreng buto bilang pananim.
“Magtanim po tayo para hindi na po tayo nabili, sa ating bahay kung wala man tayong malaking lupa pwede po sa mga paso, pwede po sa mga sirang kasangkapan natin. Dun po tayo magtanim ng talong, okra, kamatis at kung anu-ano pang gulay na hindi na natin kailangan bilhin sa palengke,” mensahe ni Jimenez.
Sa unang araw ng selebrasyon ay nagkaroon aniya ng pagbubukas ng healthy grocery store o Nutri Store at nagkaroon rin ng Nutrition Assessment kung saan hinikayat ng tanggapan ang mga local farmer sa lungsod na magtinda sa munisipyo.
Magkakaroon rin ng mga aktibidad para sa mga batang mag-aaral mula sa pampublikong tulad ng Nutri Puzzle para sa mga Day Care Children habang magkakaroon naman ng Nutri Quiz at Poster Making Contest para sa mga batang nasa elementarya.
Inilaan naman ng tanggapan ang programang Calamba Kusina Master para sa mga ilaw ng tahanan kung saan kanilang hinihikayat na ibida at ipakilala ng bawat kalahok ang ilang indigenous plants tulad ng Talinum, Uray, Alugbati at iba pang gulay na masustansya at abot kaya. (CO, PIA4A)