LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)- Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) Batangas sa publiko upang maging mapanuri at matalino sa pamimili.
Sa panayam kay Leila Cabreros, Provincial Director-DTI Batangas, sinabi nito na tuwing buwan ng Oktubre ay ipinagdiriwang ang Consumer Welfare Month kung saan isa sa mahigpit niyang tagubilin ang pagiging mapanuri at matalinong mamimili.
“Taon-taon tuwing buwan ng Oktubre ay ipinagdidiwang natin ang Consumer Welfare Month kung saan sa taong ito ay may temang, Bida ang Consumers sa Bagong Pilipinas.” Ang aming ahensya ay patuloy din ang pagsasagawa ng mga information campaigns upang mapanatili at makapagbigay pa ng dagdag kaalaman sa mga kunsumidores kung ano ang kanilang mga karapatan gayundin ang responsibilidad upang maging matalinong mamimili, ani Cabreros.
Naging bahagi ng kick off ang paglalagay ng information kiosk sa tanggapan ng DTI Batangas at nagsagawa ng releases tulad ng Konsumer Ala Eh, Konsumer,Alam Mo Ga Are? Sa official FB page ng ahensya.
Mayroon ding koordinasyon na isinagawa sa isang malaking supermarket sa bayan ng Lemery kung saan ang mga mamimili att maninindahan ay makakakuha ng malaking diskwento kapag sila ay namili dito ng mga produkto na paninda o sariling gamit ng kunsumidores.
Alinsabay din nito ang Product Standards Week kung saan magsasagawa ang DTI ng seminar para sa mga manininda ng mga produktong nasasakop ng DTI tulad ng mga hardwares, nagbebenta ng mga appliances, electrical materials, construction materials at marami pang iba na nasasakop ng Philippine National Standard. Ang mga produktong nabanggit ay hindi dapat ilabas sa merkado kung walang kaukulang lisensya ng PS o ICC mark.
Kaugnay nito, patuloy din ang pagsasagawa ng mga surprise visitations sa iba’t-ibang establisimyento na nagtitinda ng mga produktong nasa ilalim ng pangangasiwa ng DTI. Ang sinumang mapatunayang lumabag dito ay may nakalaang karampatang parusa naaayon sa batas.
Ang DTI ay nagpapalabas din ng Suggested Retail Price o SRP na siyang maaaring gawing batayan ng manininda sa paglalagay ng presyo sa kanilang produkto, sakaling may mga paglabag dito ay maaaring makipag-ugnayan sa naturang ahensya para sa kaukulang aksyon.
Samantala, mariin ang pagpapaalala ni Cabreros kaugnay ng walong karapatan ng mga mamimili kabilang ang basic needs,safety, information, choose, representation, redress, consumer education at health environment.
Dagdag pa nito na dapat alam ng isang mamimili ang kanyang karapatan upang magamit niya ito sa isang matalino at mapanuring pamimili.
Kaakibat ng mga karapatang ito ay may limang responsibilidad din ang isang kunsumidores kabilang ang pagiging mapanuri, alistong pagkilos, social concern, environmental awareness at pagkakaisa.
Sa huli, sinabi nito na ang tamang kaalaman ang magbibigay sa mga mamimili at kunsumidores upang maging mapanuri at matalinong mamimili.(MPDC-PIA Batangas)
