CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Patuloy ang Department of Health Center for Health Development Calabarzon (DOH 4-A) sa pagbibigay ng paalala sa publiko laban sa sakit na dengue ngayong panahon ng tag-ulan.
 
“During this season, heavy rainfall causes hot and wet environment and creates stagnant water – an ideal mosquito breeding condition. Kaya mahalaga na mapanatili natin ang kalinisan, sa loob at labas ng ating bahay. Tandaan po natin wala pong pinipiling oras ang mga ito upang mangagat at makapagdulot ng sakit na dengue,” pahayag ni DOH 4-A Assistant Regional Director Leda M. Hernandez
 
Ayon kay Hernandez, bagaman bumaba ang kaso ng dengue sa Calabarzon ay hindi dapat maging kampante ang publiko dahil ang mga bagyo at pag-ulan ay inaasahang mararanasan pa hanggang Oktubre.
 
Batay sa datos ng DOH 4-A, bumaba sa 10,178 kaso ng dengue ang naitala sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Hulyo 29, 2023. Higit na mas mababa ito ng 10% mula sa 11,284 kaso ng sakit na naitala sa kaparehas na mga buwan noong nakaraang taon.
 
Nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng sakit sa probinsiya ng Rizal na aabot sa 3,654 kaso; Cavite na mayroong 2,033 kaso; at, Laguna na mayroong 1,485 kaso ng dengue.
 
Sa kanyang paalala, binigyang diin rin ni Hernandez ang pag-iingat sa mga bata na may edad dalawa hanggang 10 taong gulang, dahil mas madali aniya silang kapitan ng kagat ng lamok.
 
“The kids are prone to mosquito bites, gumamit tayo ng insect repellent, magsuot ng mga bright colored long-sleeved shirts, at pantalon para walang expose na balat,” ani Hernandez.
 
Babala ng DOH 4-A, mas mainam na sumunod sa 5S streategy ang publiko bilang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa sakit na dengue.
 
Kabilang dito ang “search and destroy” o pagpuksa sa mga pinamumugaran ng lamok; “safety precaution measures” gaya ng paggamit ng mosquito repellant; “seek early consultation” kung may nararamdamang sintomas ng dengue; “support fogging/spraying” sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok; at “sustain hydration” upang maiwasan ang iba pang banta ng sakit. (DOH 4-A/PIA 4-A)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *