BATANGAS CITY (PIA) — Pormal nang pinasinayaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Technical Education and Skills Development Aiuthority (TESDA) ang kauna-unahang Tech4ED (Technology for Education to Gain Employment, Train Entrepreneurs towards Economic Development) Laboratory sa Batangas City.
Ang bagong pasilidad na may mga bago ring Information and Communications Technology (ICT) equipment ay matatagpuan sa DICT Compound Telecomm Road, Kumintang Ibaba, Batangas City.
Bibigyang oportunidad ng Tech4Ed Center na magkaroon ng pagkakakitaan ang mga mamamayan at makatulong sa pag-angat ng ekonomiya sa pamamagitan ng ICT.
Sa panayam kay DICT Undersecretary Paulo Mercado, sinabi nito na isa sa mga mandato ng DICT ang magbigay ng pagsasanay hindi lamang sa mga kabataan kundi sa lahat upang matuto ng mga teknolohiya na dumarating dito sa ating bansa.
“Ang mandato ng DICT ay hindi lamang naka-pokus sa pagbibigay ng internet, e-governance at iba pa kundi kasama ang pagsasanay sa mga tao para magamit ng tama ang mga teknolohiya. Kaya hindi po dapat matakot sa mga bagay na ‘di natin pa natututunan dahil malaking ginhawa ang maiibigay ng teknolohiya,” ani Mercado.
Ayon naman kay DICT 4A Regional Director Cheryl Ortega. layon ng Tech4ED na mas mabigyan ng pagkakataon ang mga Batangueño na mapalawak ang kaalaman, skills development at commitment para sa mas maunlad na buhay.
Aniya pa, masuwerte sila na naging possible ang pagbubukas ng pasilidad na ito sapagkat tuwing buwan ng Hunyo ay ipinagdiriwang nila ang National ICT Month na may temang “Connecting Communities, Enriching Lives Forging a Digital Future for the Philippines”.
Nagpahayag naman si Mayor Beverley Dimacuha ng kanyang kagalakan sa pagbubukas ng pasilidad na ito at nagbigay ng kanyang pagsuporta dito dahil sa pagkakaloob ng mas mataas na antas ng pagsasanay na magbibigay din ng maayos na hanapbuhay sa mga Batangueño.
Katuwang ng DICT 4A ang TESDA Batangas at Asian Tech Hub Academy para sa pagpapaunlad ng naturang pasilidad.(BPDC, PIA Batangas)