CALAMBA CITY, Laguna (PIA) —Walang dapat ikabahala ang publiko sa phreatomagmatic eruption ng Bulkang Taal kaninang alas-2:00 ng madaling araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon kay Paolo Reniva, resident volcanologist ng PHIVOLCS Taal Observatory, walang naitalang ashfall sa paligid ng Taal Caldera at mga lakeshore communities. Ipinaliwanag niya na ang phreatomagmatic eruption ay nagaganap kapag nagkaroon ng interaksyon ang magma at tubig sa ilalim ng lupa, na nagdudulot ng pagsabog.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, umabot sa 2,500 metro ang taas ng ibinugang usok ng bulkan na tinangay ng hangin patungong hilagang-kanluran. Nananatili itong nasa Alert Level 1, na nangangahulugang abnormal ang kondisyon ngunit walang nakikitang banta ng malakas na pagsabog.
Muling nagpaalala ang PHIVOLCS na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, lalo na sa Main Crater at Daang Kastila Fissures, gayundin ang pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib ng biglaang pagbuga ng abo at nakalalasong gas.
Tiniyak ng ahensya na patuloy ang mahigpit na pagmamanman sa aktibidad ng bulkan upang makapagbigay ng agarang abiso kung kinakailangan. (KA PIA4A)
