BATANGAS CITY (PIA) — Mahigit 400 indibidwal sa lungsod ng Batangas ang nakilahok sa BIDA Kontra Droga Fun Run for Life-Breaking Chain of Drug Abuse na pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang fun run ay bahagi ng kampanya ng DILG sa ilalim ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) program na layong maipabatid sa publiko ang negatibong epekto ng iligal na droga at pigilan ang mga mamamayan sa paggamit nito.
“Hindi madali ang hangaring tuluyang mawala ang iligal na droga ngunit naniniwala kami na sa pamamagitan ng pagtutulungan at sama samang pagkilos ay mababawasan ang pagkalat nito sa komunidad,” ani Ester Dathor, City Director ng DILG Batangas City.
“Ang kailangan amang ay ang pagtutulungan ng bawat isa at pagbubukas ng isip sa kung anong masamang epekto nito sa kalusugan at ating pisikal na katawan”, dagdag nito.
Samantala, tinanghal na kampeon sa male category ng 5K run si John Dave Perez at sa female category naman ay si Catherine Albanez. Tinanghal naman sa 3K male category si Renz Balog at P/Cpl. Malone Maderazo sa female division.
Katuwang ng Batangas City DILG ang pamahalaang lungsod ng Batangas sa pamamagitan ng Local Youth Development Office (LYDO) gayundin ang ilan pang tanggapan ng pamahalaang lungsod upang maging matagumpay ag naturang aktibidad. (BPDC, PIA BATANGAS)