BATANGAS CITY (PIA) — Ligtas at nasa maayos na kalagayan ang 13 tripulante na na-rescue ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa lumubog na fishing vessel sa karagatang sakop ng Calatagan, Batangas nitong Linggo, Agosto 27.
 
Sa pagpupulong ng Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), iniulat ng PCG Batangas na bandang 6:45 ng umaga nang nakatanggap sila ng ulat patungkol sa lumubog na F/V Anita DJ II sa bahagi ng Cape Santiago na sakop ng bayan ng Calatagan.
 
Agad nila itong ipinagbigay-alam sa kanilang mga substations sa Calatagan, Nasugbu, at Occidental Mindoro na sila namang agarang rumesponde sa lugar upang magsagawa ng rescue operations.
 
Nagbigay naman ng medical assistance ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga nailigtas na tripulante.
 
Ayon sa PCG, galing Navotas Port ang bangkang pangisda na pagmamay-ari ng IRMA Fishing at patungo sana sa Palawan Fishing grounds.
 
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang dahilan ng paglubog ng fishing vessel.
 
Nakaalerto vs oil spill
Samantala, tuloy-tuloy din ang hakbang na isinagawa ng PCG sa pakikipagtulungan ng PDRRMO at Calatagan MDRRMO sakaling magkaroon ng oil spill.
 
Ibinahagi ni CG Lt. Sgt. Precious Omalsa mula sa PCG Marine Environmental Protection Unit na maliit ang tyansa na magkaroon ng oil spill sa lugar.
 
“Dala ng nararanasang panahon ngayon ay favorable para sa pangyayaring ito dahilan sa maliit ang tsansa na magkaroon ng oil spill at umabot ang langis sa pampang o baybay dagat. Isang dahilan din ay sapagkat ang lube oil na gamit ng naturang vessel ay iba at mas maganda sa black oil na tulad ng ginagamit ng MV Empress na lumubog din sa bahagi ng baybaying dagat ng Batangas kamakailan,” ani Omalsa.
 
Ayon naman kay Wylene Capito ng Batangas Provincial Environment and Natural Recources Office (PENRO), nakipag-ugnayan na sila sa mga barangay at sa kasalukuyan ay walang namamataang anumang oil spill sa bahagi ng Calatagan.
 
Siniguro naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) IV-A na may naka-standby na mga oil absorbent pads sa kanilang tanggapan at isasagawa na ang karampatang koordinasyon sa Office of Civil Defense Calabarzon para sa pagturn-over nito.
 
Hiniling naman ni Capt. Vic Acosta mula PCG – Batangas na deretsong dalhin sa Calatagan at magkaroon din ng standby absorbent pads sa bayan ng Mabini upang mas mapaghandaan sakaling magkaroon man ng oil spill.
 
Nagpaalala si DOH Calabarzon representative Dr. Voltaire Guadalupe na dapat ay mayroong tamang kagamitan ang mga responders at ang gamit nilang mask ay may special filter for oil spill.
 
Ayon sa Department of Social Welfare and Development IV-A, mahigit 22,000 food items bukod pa sa non-food items ang naka-standby sa lalawigan ng Batangas kung sakaling mangangailangan nito.
 
Nagpahayag si PDRRMO Chief Dr. Amor Calayan na may mga PPEs na magagamit kung sakaling kakailanganin ito.
 
Sa mensahe ni Calatagan Mayor Oliver Palacio,sinabi nito na naging maagap ang PCG at mga katuwang na ahensya sa pagresponde at agarang pagtugon sa naganap na insidente.
 
“Nakaalerto na din ang 19 na coastal barangays at mga bantay dagat members para sa anumang mapapansin o makikitang oil spill at maiwasang ito ay kumalat pa bagamat sa kasalukuyan ay walang anumang nakikitang oil sleek.
 
Magsasagawa naman ang PCG ng surface survey kung saan isasagawa ang assessment para sa posibleng sampahan o daanan sakaling magkaroon ng oil sleek. Gayundin ang pagsasagawa ng social engineering lalo na sa mga residente kaugnay ng insidente. (BPDC, PIA BATANGAS)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *